Higit 65-anyos, bibigyan na rin ng Spain ng AstraZeneca vaccine
MADRID, Spain (AFP) — Inanunsyo ng health ministry ng Spain, na bibigyan na rin nila ng AstraZeneca COVID-19 vaccine, ang mga higit 65 na ang edad matapos lumitaw sa pinakabagong scientific research na ligtas itong ibigay sa kanila.
Ang naturang bakuna na dati ay ibinibigay lamang sa mga ang edad ay 55-65, ay ibibigay na rin sa mga higit 65-anyos na kabilang sa priority groups gaya ng health workers, police officers o mga guro.
Ang Spain ay kabilang sa ilang bansa sa European Union, na nagsuspinde ng paggamit sa AstraZeneca vaccine sa mga unang bahagi nitong Marso matapos lumabas ang mga ulat ng insidente ng blood clots sa napakaliit na bilang ng mga taong binakunahan nito.
Gayunman ay muli nilang ipinagpatuloy ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca vaccine nitong nagdaang linggo, matapos tiyakin kapwa ng World Health Organization at ng European Medicines Agency na ligtas itong gamitin.
Subalit may ibang mga bansa pa rin na nag-iingat gamitin ang naturang bakuna.
Ayon sa Germany, ang AstraZeneca ay dapat lamang ibigay sa mga lampas 60-anyos, sinuman na wala pang 60 ay dapat lamang bakunahan matapos komunsulta sa kanilang doktor tungkol sa maaaring maging panganib nito.
Pinayagan na rin ng Spain ang iba pang mga bakuna para ibigay sa mga lampas 65-anyos ang edad.
Ang Spain ay isa sa mga bansa sa Europa na grabeng tinamaan ng coronavirus, kung saan higit 75,000 na ang namatay.
© Agence France-Presse