Higit 7 milyong halaga ng shabu, nasabat sa 3 katao sa Cebu city at Bohol
Tatlong indibidwal ang arestado sa isinagawang buy-bust operation sa Cebu city at Bohol.
Sa ulat ng Police Regional Office-7 kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, isinagawa ang anti-drug operation sa Cabantan Street, Brgy. Luz, Cebu City.
Ang operasyon ay pinagtulungan ng mga operatiba ng City Intelligence Unit ng Cebu City Police office at Philippine Drug Enforcement Agency 7.
Nakilala ang mga suspect na sina Vencent Mayol Suplac alias Dodong, 27-anyos at Giovanni Montecalvo Ambray alias Gio, 25-anyos, at isang construction worker.
Kabuuang 1,025 gramo ng shabu ang nakumpiska sa mga ito na nagkakahalaga ng 6,970,000.
Samantala, isa pang suspek ang arestado sa isa pang buy-bust operation na isinagawa sa Purok 6, Brgy. Punta Cruz, Maribojoc, Bohol.
Kinilala ng operating teams ng Regional Police Drug Enforcement Unit, Maribojoc Municipal Police Station at PDEA Bohol ang suspect na si Arnel Tubaon Rivera, 23-anyos.
Nakuha sa kaniya ang nasa 110 gramo ng shabu namay street value na 748,000 piso.
Maliban sa droga, nakuha rin sa suspect ang isang sling bag at isang cellular phone.
Nahaharap ang tatlong nadakip sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165.