Higit 180 Billion, nawalang kita ng bansa kasunod ng pagpapatupad ng 2 weeks ECQ
Aabot sa mahigit 180 Billion pesos ang nawalang kita sa bansa dahil sa pagpapatupad ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine dulot ng mataas na kaso ng Covid-19.
Sa ulat ni Trade and Industry secretary Ramon Lopez, sinabi nito na dulot ito ng pagsasara ng mga negosyo at industriya.
Ito aniya ay halos katumbas na ng one percent ng buong Gross Domestic product ng Pilipinas dahil halos kalahati ng ekonomiya ay nasa Metro Manila at apat na mga lalawigan.
Dahil maraming negosyo ang sarado, aabot aniya sa 1.5 million na mga mangagawa rin ang nawalan ng trabaho.
Kahit bahagyang niluwagan sa ilalim ng Modified ECQ, sinabi ng kalihim na 500,000 pa lang sa 1.5 million na mga mangagawa ang nakabalik sa trabaho.
Matatagalan pa aniya bago muling makabangon ang bansa dahil nasa ilalim pa ng MECQ ang NCR plus bubble.
Meanne Corvera