Higit 900 pamilyang nasa loob ng 7-km. danger zone mula sa Taal Volcano, nailikas na
Umaabot na sa halos 1,000 pamilyang naninirahan sa mga high-risk barangay sa Agoncillo at Laurel sa Batangas ang nailikas na.
Ayon sa isang opisyal ng Batangas Provincial Social Welfare and Development Office, sa Agoncillo ay nasa 498 families ang nailikas na katumbas ito ng 1,767 indibidwal.
Samantala, sinabi naman ni Jerwin Tambogon, Public Information Officer sa Laurel Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, na nasa 479 families o katumbas ng 1,616 indibidwal ang inilikas sa Laurel hanggang kaninang alas-5:00 ng umaga.
Mayroon din aniya silang mga residenteng nagtungo o nakituloy sa kanilang mga kaanak o kakilala.
Nauna nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi muna pababalikin ang mga lumikas na residente sa kanilang mga tahanan hangga’t nasa Alert Level 3 ang Bulkang Taal.
Siniguro naman ng mga lokal na pamahalaan ang ipamimigay na food packs at iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Nasusunod rin ang mga health protocol sa mga evacuation center.