Higit 9,000 paglabag, naitala ng PNP sa unang araw ng implementasyon ng Alert Level 2 sa NCR
Nakapagtala ng 9,451 violation ang Philippine National Police (PNP) sa unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila.
Pero sinabi ni PNP Chief General Guillermo Eleazar, mas mababa naman ito sa average 9,746 kada araw na naitatala nila noong nasa Alert Level 3 pa ang NCR.
Sampung porsiyento ng kabuuang violations ay may kinalaman sa curfew partikular sa mga menor de edad na nananatili ang ordinansa sa kabila ng pag-lift ng curfew sa NCR.
Binigyang-diin ni Eleazar na kahit nagluwag na ng panuntunan sa Metro Manila ay ilang bahagi ng bansa ay lalu namang naghigpit ang PNP sa pagpapatupad ng mga health protocol.
Katunayan, nagtalaga sila ng karagdagang tauhan para magbantay sa mga matataong lugar.
Kasabay nito, nanawagan ang magreretirong hepe ng PNP sa publiko ng kooperasyon at tulong upang maiwasan ang virus transmission kahit pa pinayagan nang lumabas ng bahay ang mas nakararaming mamamayan.
Sinimulang isailalim ang NCR sa Alert Level 2 noong Nov. 5 hanggang 21, 2021.