Higit P800 -M naitalang pinsala sa imprastraktura dahil sa mga nagdaang bagyo
Pumalo na sa higit 884 milyong piso ang naitalang pinsala sa mga imprastraktura matapos ang pananalasa ng magkakasunod na bagyong Nika, Ofel, at Pepito.
Sa datos ng Department of Public Works and Highways, pinakamalaking pinsala ay naitala sa flood control infrastructures na umabot sa higit 500 milyong piso.
Sumunod ay sa mga kalsada na umabot sa higit 369 milyong piso habang higit 14 milyon naman sa mga tulay.
Sa report ng DPWH, sa ngayon bukas na sa mga motorista ang higit 50 national roads na naapektuhan ng kalamidad.
Walong pangunahing kalsada nalang sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley Region, at Central Luzon ang sarado parin sa mga motorista dahil sa baha at landslide.
Nananatili namang sarado parin ang Itawes Overflow Bridge 1 at 2 sa Sta Barbara, Piat, Cagayan matapos mapinsala ang bahagi ng tulay.
Madelyn Villar – Moratillo