Hiling ng business group na ilagay sa Alert Level 2 ang NCR, pag-aaralang mabuti ng IATF
Isasailalim sa masusing pag-aaral ng Inter Agency Task Force Technical Working Group ang kahilingan ng grupo ng mga negosyante na isailalim na sa Alert Level 2 ang National Capital Region.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nasa pagpapasya ng Department of Health at IATF Technical Working Group kung puwede ng ibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila.
Ayon kay Roque, hindi tutol ang Malakanyang sa kahilingang luwagan na ang Alert Level sa NCR upang makabalik na sa normal ang operasyon ng mga negosyo basta ito ay maituturing na nasa safe level na ang transmission at attack rate ng COVID-19.
Inihayag ni Roque batay sa pagtaya ng OCTA Research group, patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa NCR sa kabila ng pahayag ng DOH na 9 sa 17 lugar sa Metro Manila ay may naitalang pagtaas ng kaso ng coronavirus.
Magugunitang si Presidential Adviser on Enterpreneurship Secretary Joey Concepcion ang nagsusulong na ibaba na sa Alert Level 2 ang NCR upang mabuksan na ang lahat ng uri ng negosyo dahi papasok na ang holiday season.
Vic Somintac