Hiling ng OSG at ni Atty. Lorenzo Gadon na makakuha ng kopya ng SALN ni Justice Marvic Leonen, hindi pinagbigyan ng Korte Suprema
Tumanggi ang Korte Suprema na ibigay ang kopya ng SALN ni Associate Justice Marvic Leonen na hinihingi ng Office of the Solicitor General at ng isang abogado.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, nagpasya ang lahat ng mga mahistrado na i-deny ang hiling ng OSG at ni Atty. Lorenzo Gadon na bigyan sila ng kopya ng SALN at ng iba pang impormasyon ukol kay Leonen na ang layunin ay para sa paghahain ng Quo Warranto petition.
Sinabi ni Hosaka na walang parte si Leonen sa nasabing resolusyon.
Sa kanyang sulat sa Office of the Clerk of Court ng Korte Suprema, hiniling ni Gadon na mabigyan siya ng kopya ng SALN ni Leonen mula 1990 hanggang 2011.
Ang mga nasabing SALN anya ay requirement sa aplikasyon nito sa pwesto sa Supreme Court.
Una rito ay hiniling ni Gadon sa OSG na isulong ang Quo Warranto case laban kay Leonen dahil sa sinasabing hindi paghahain nito ng SALN.
Dapat anyang ipatupad ng OSG kay Leonen ang parehong pamantayan na ipinatupad nito sa napatalsik na Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno na sinampahan ng OSG ng Quo Warranto case dahil sa non-filing ng SALN nang ito pa ay law professor sa UP Law.
Sa isang landmark ruling noong May 2018, pinagtibay ng Supreme Court ang Quo Warranto case ng OSG laban kay Sereno na dahilan para maalis at mapawalang-bisa ang pagkakatalaga dito.
“I would like to confirm that the Supreme Court in today’s En Banc session unanimously resolved to deny the requests of the Office of the Solicitor General and Atty. Lorenzo G. Gadon for copies of the SALN of and other information pertaining to SC Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen, for purposes of preparing a Quo Warranto petition. Justice Leonen took no part in the resolution.”.
Moira Encina