Hiling ng PRC na magsagawa ng Licensure Exams ngayong taon, pinagtibay ng IATF
Inaprubahan na ng Inter Agency Task Force ang hirit ng Professional Regulation Commission (PRC) na makapagsagawa ng professional licensure examinations mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kailangan lamang tiyakin ng PRC na masusunod ang health at safety protocols na inilatag ng pamahalaan kontra COVID-19.
Batay sa schedule ng PRC, sa Hulyo nakatakda ang professional licensure examinations sa nurses, landscape architects, mining engineers, master plumbers, real estate brokers at environmental planners.
Nakatakda naman sa Agosto ang pagsusulit ng mga psychologists, psychometricians, veterinarians, mechanical engineers, certified plant mechanics, guidance counselors, medical technologists, at social workers.
Sa halip na sa buwan ng Agosto na-reschedule ang pagsusulit ng nutritionists-dietitians at foresters sa Oktubre.
Nakatakda naman sa Setyembre ang pagsusulit ng mga sanitary engineers, registered electrical engineers, registered master electricians, librarians, physicians, qualifying assessment for foreign medical professionals, respiratory therapists, real estate appraisers, professional teachers, agricultural biosystems engineers.
Vic Somintac