Hindi bababa sa 13, patay sa banggaan ng trak at SUV sa California
LOS ANGELES, United States (AFP) – Hindi bababa sa 13 katao ang namatay, matapos bumangga ang isang sasakyang puno ng paahero sa isang malaking trak, malapit sa Mexico border.
Ayon kay Judy Cruz, isang opisyal mula sa El Centro Regional Medical Center, nangyari ang aksidente nang magbanggaan ang isang SUV na may lulang higit 24 katao, at isang semi-truck na puno naman ng graba malapit sa El Centro.
Ang naturang lugar ay daanan ng Mexican immigrants at farmworkers na papuntang norte patungo sa agricultural center ng California.
Ayon kay Omar Watson ng California Highway Patrol . . . “It’s too early in the investigation to say what they were doing and where they were coming from. We had 12 fatalities on scene, one person passed over at the hospital, a total of 13 people passed away.”
Kabilang sa namatay ang 22-anyos na driver ng SUV.
Sa una niyang pahayag sa mga kagawad ng media, ay sinabi ni Watson na kabuuang 25 ang sakay ng SUV nang mangyari ang aksidente, gayunman sa ulat ng El Canto Regional Medical Center ay 15 katao ang nasawi at ang SUV ay may lulang 28 indibidwal.
Batay sa website ng Ford Expedition SUV, walo katao lamang ang legal na kapasidad nito.
Sa images ng banggaan, ay makikita ang semi-truck na sumalpok sa gilid ng SUV na kulay burgundy at lumilitaw na may Califonia license plate.
Ayon kay Watson, ang aksidente ay nangyari nang ang SUV ay pumasok sa intersection sa harap ng semi-truck, bagamat hindi pa batid kung ang SUV ay huminto sa stop sign.
Aniya . . . “Some people were ejected onto the pavement, onto the ground, that passed away as a result of those injuries. Other people were found deceased within the vehicle. There were children in the vehicle but we don’t have all the ages yet, but they are not young children. The crash is a pretty chaotic scene.”
Ang truck ay halos intact pa, subalit ang SUV ay grabe ang naging pinsala.
Ang mga nasawi ay nasa edad 20 hanggang 55, subalit isa sa mga nasaktan ay isang minor na ang edad ay 16.
Ang mga nasaktan, kabilang ang 69-anyos na tsuper ng semi-truck na nagtamo ng moderate injuries, ay dinala sa iba’t-ibang pagamutan.
Sinabi pa ni Watson . . . “We are working with the Mexican consulate to determine exactly who was in the vehicle and make sure we notify the next of kin. A lot of people in the vehicle didn’t speak English, we are close to the border so we have people that come back and forth on a daily basis for work.”
Kinumpirma naman ng Mexican government, na hindi bababa sa sampu sa mga namatay ay Mexican nationals. Sinabi ni Foreign ministry official Roberto Velasco, na ang kanilang gobyerno ay nakikipagtulungan sa California authorities para tulungan ang mga nasaktan sa banggaan.
Nangyari ang banggaan ilang sandali makalipas ang ala-6:00 ng umaga sa State Route 115 malapit sa bayan ng Holtville, nasa 10 milya (16 kilometers) sa hilaga ng Mexico.
Dagdag pa ni Watson . . . “The accident was not a Border Patrol pursuit, we’re not exactly sure what caused the collision but there were no law enforcement involved.”
© Agence France-Presse