Hindi bababa sa 148 patay sa Haiti gang war
Hindi bababa sa 148 katao ang nasawi sa Port-au-Prince, kapitolyo ng Haiti na ang ilan ay nasunog pa ng buhay, simula nang ilunsad ng dalawang magkatunggaling gang ang isang “all out turf” war noong isang buwan.
Idineklara ng National Network for the Defense of Human Rights (RNDDH), na hindi bababa sa 148 katao ang pinatay, kabilang ang pitong bandido na pinatay ng kanilang lider sa pagitan ng Abril 24 at pagsisimula ng Mayo, makaraan ang isinagawang imbestigasyon sa northern neighborhoods ng kapitolyo kung saan nagsimula ang gang war.
Sa pagkondena sa anila’y isang “massacre of incredible cruelty,” sinabi ng rights group na ang mga tao ay pinatay sa pamamagitan ng mga bala at panaksak, habang ang ilang biktima ay sinunog ng buhay, sa loob ng kanilang sinunog na mga bahay o sa kalsada kasama ng mga gulong.
Sinabi pa nito na karamihan sa pinatay na mga babae at batang babae ay pinagsamantalahan muna.
Ayon sa Haitian organization, may alam silang isang mass grave na may 30 bangkay, na inilibing ng isa sa mga gang dahil ang mga bangkay ay iniwan na lamang sa mga kalsada at hinayaang mabulok sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ang ibang mga bangkay ay itinapon ng mga salarin sa mga balon at mga palikuran.
Sinabi ng United Nations noong Biyernes na nalaman nito ang pagpatay sa hindi bababa sa 75 sibilyan, sa pinakabagong pag-usbong ng karahasan, kabilang ang mga kababaihan at mga bata.
Hindi bababa sa 9,000 residente ng mga apektadong kapitbahayan ang tumakas sa kanilang mga tahanan at sumilong sa mga kamag-anak o sa mga pansamantalang lugar, tulad ng mga simbahan at paaralan.
Bagama’t bahagyang natigil ang karahasan nitong mga nakaraang araw, karamihan sa mga taong tumakas ay hindi pa umuuwi sa kanilang mga tahanan, dahil sa takot sa muling pagpapatuloy ng karahasan.
Higit dalawang linggo na ang nakalilipas simula nang mag-umpisa ang outbreak, hindi pa rin nagkokomento ang Haitian government sa karahasan kung saan ang kapitolyo ay nalagay na sa “state of siege,” sanhi para hindi na maging ligtas ang paglabas mula doon patungo sa iba pang lugar sa bansa.