Hindi bababa sa 19 patay nang bumagsak ang isang kalsada sa southern China
Hindi bababa sa 19 katao ang namatay nang bumagsak ang isang bahagi ng isang kalsada sa Guangdong province sa southern China.
Ayon sa state broadcaster na CCTV, bumagsak ang isang kahabaan ng kalsada sa pagitan ng Meizhou city at Dabu county sa Guangdong province, humigit-kumulang alas-2:10 ng umaga (local time).
Dahil sa insidente, 18 mga sasakyan ang na-trap at ang kabuuang bilang ng mga taong nasa loob ng mga sasakyan ay 49.
Ayon pa sa CCTV, pagdating ng alas-11:45 ng umaga ay 19 katao ang nakumpirmang namatay, at 30 naman ang binigyan ng emergency care sa pagamutan.
Dagdag nito, sa ngayon ay hindi nanganganib ang buhay ng mga na-ospital, ngunit hindi binanggit ang injuries ng mga ito.
Makikita sa footage na ibinahagi sa social media, ang tumpok ng wasak na mga sasakyan sa ilalim ng malalim at maputik na hukay.
Sa isang video ay maririnig ang tinig ng isang lalaki na nagsabing, “You can’t go any further, parts of the road had given way.”
Nagdeploy naman ang mga awtoridad ng humigit-kumulang sa 500 katao, upang tumulong sa rescue operation.
Ayon sa CCTV, galing ng mga ito sa mga departamentong may kinalaman sa public security, emergency response, firefighting at mining rescue.
Sinabi ng mga lokal na awtoridad sa isang notice na bahagi ng S12 highway ang isinara sa magkabilang direksiyon at inatasan ang mga tsuper na mag-detour na lamang.
Bagama’t hindi pa batid ang sanhi ng pagguho ng kalsada, ang insidente ang pinakabago sa serye ng nakamamatay na mga sakuna na tumama sa Guangdong nitong nakalipas na mga linggo.
Ang lubhang mataong lalawigan na itinuturing na industrial powerhouse, ay hinampas ng malakas na mga pag-ulan na nagdulot ng nakamamatay na baha sa ilang lugar.
At nito lamang nagdaang linggo ay tinamaan ng tornado ang megacity ng Guangzhou na ikinamatay ng limang katao.
Karaniwan na ang road accidents sa China, dahil sa kakulangan ng mahigpit na safety controls.
Noong March, 14 katao ang namatay at 37 iba pa ang nasaktan nang bumangga ang isang bus sa loob ng isang expressway tunnel sa northern Shanxi province.
Labing-anim katao naman ang namatay sa karambola ng mga sasakyan sa central Hunan province noong Pebrero ng nakalipas na taon, isang buwan lamang makaraan ang pagkamatay ng 19 katao sa isang aksidente sa eastern Jiangxi province.