Hindi bababa sa 25 Palestinians sa Gaza, patay sa air strike ng Israel – medics
Hindi bababa sa 25 Palestinians sa Gaza Strip ang namatay sa air strike ng Israel ayon sa medics, kabilang ang hindi bababa sa walo na nasa isang apartment sa Nuseirat refugee camp at hindi bababa sa sampu, kasama ang mga bata, sa bayan ng Jabalia.
Hindi pa naise-secure ng mga tagapamagitan ang isang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas, makaraan ang mahigit sa isang taon nang labanan.
Ayon sa mga source na may nalalaman sa mga pag-uusap, nagawa ng Qatar at Egypt na maresolba ang ilang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng magkalabang partido, subalit hindi ang malalaking isyu.
Sinimulan ng Israel ang kanilang pag-atake sa Gaza makaraang atakihin ng Hamas-led fighters ang Israeli communities noong Oct. 7, 2023, na ikinamatay ng 1,200 katao at higit 250 naman ang binihag, ayon sa tally ng Israel. Nasa 100 hostages ang bihag pa rin ng Hamas, ngunit hindi malinaw kung ilan dito ang buhay pa.
Sinabi ng mga awtoridad sa Gaza, na mahigit na sa 45,000 Palestinians ang namatay sa pagsalakay ng Israel na sanhi rin upang mawalan ng matutuluyan ang marami sa 2.3 milyong populasyon. Malaking bahagi ng coastal enclave ang wasak na.