Hindi bababa sa 31 patay sa coal mine blast sa Iran
Hindi bababa sa 31 ang namatay at 16 naman ang nasaktan, sa gas explosion sa isang coal mine sa South Khorasan Province ng Iran, ayon sa interior minister ng bansa na si Eskandar Momeni.
Bago ito ay iniulat ng local media na 51 katao ang namatay kasunod ng aksidente na anila’y bunga ng methane gas explosion sa dalawang bloke, ang B at C, sa minahang pag-aaring pribado na ino-operate ng Madanjoo company.
Idinagdag pa ni Momeni, na 17 mga minero ang nawawala pa rin at hindi pa batid kung buhay pa o patay na ang mga ito, dahil 400 metro pa ang layo ng rescue teams mula sa malamang ay lokasyon ng mga ito. Inaasahang makararating ang mga rescue teams doon bukas matapos alisin ang durog na mga bato at excess gas.
Sa ulat ng state TV, may 69 na mga trabahador sa dalawang bloke nang mangyari ang pagsabog.
Sinabi ni South Khorasan Province governor Ali Akbar Rahimi, “76% of the country’s coal is provided from this region and around 8 to 10 big companies are working in the region including Madanjoo company.”
Ayon naman sa labor minister na si Ahmad Meydari, “The mine went through inspections last month and complied with all safety regulations”
Itinanggi nito na may nangyaring kapabayaan at sinabing, “sudden events also happen in the most advanced mines globally.”
Samantala, ipinag-utos na ng public prosecutor ng Iran na imbestigahan ang insidente.
Ayon sa state media, nangyari ang pagsabog noong Sabado ng alas-9:00 ng gabi.
Nagpaabot naman ng kanilang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ang Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei at Iranian President Masoud Pezeshkian.