Hindi bababa sa 44, patay sa flash floods sa New York

Photo:AFP

Hindi bababa sa 44 ang namatay sa New York area, sanhi ng flash floods na dulot ng bagyong Ida na isinisisi ng mga opisyal sa climate change.

Tila naging ilog ang mga kalsada sa New York City bunsod ng napakalakas na ulan, habang isinara rin ang subway services at daan-daang flights ang kinansela sa LaGuardia at JFK airports, at maging sa Newark.

Ayon kay US President Joe Biden na bibisita ngayong araw (Biyernes) sa southern state ng Louisiana na unang sinalanta ni Ida . . . “We’re all in this together. The nation is ready to help.”

Higit isang milyong tahanan ang nawalan ng suplay ng kuryente sa Louisiana, at may mga gusali ring nasira dahil sa pananalasa ng bagyong Ida.

Nagsara rin ang mga pangunahing daan sa magkabilang panig ng New Jersey at New York, kabilang na sa Manhattan, The Bronx at Queens kung saan maraming mga sasakyan ang nalubog sa baha, at daan-daang katao ang ni-rescue ng fire department.

Hindi bababa sa 23 katao ang nasawi sa New Jersey at ayon kay Governor Phil Murphy . . . “The majority of these deaths were individuals who got caught in their vehicles.”

Labingtatlo naman ang namatay sa New York City, na nasa pagitan ng mga edad 2-86 kabilang ang 11 katao na hindi na nakalabas sa kanilang basement.

Kinumpirma rin ng isang lokal na opisyal ang pagkamatay ng tatlo katao sa Westchester suburb sa New York City, habang apat naman sa Montgomery County sa labas ng Philadelphia sa Pennsylvania.

Sa naging pahayag ni New York Mayor Bill de Blasio, sinabi niya na . . . “We’re enduring a historic weather event with record-breaking rain across the city, brutal flooding and dangerous conditions on our roads.”

Ang New York branch ng National Weather Service (NWS), ay nakapagtala ng 3.15 inches (80 millimeters) ng ulan sa Central Park sa loob lang ng isang oras, lampas sa naitala nito lamang nakalipas na buwan nang manalasa ang bagyong Henri.

Nahinto rin maging ang US Open tennis match, bunsod ng pagbayo ng malakas na hangin sa bubong ng Louis Armstrong Stadium.

Ayon naman sa website na poweroutage.us., nasa 38 libong kabahayan sa Pennsylvania, 24 libo sa New Jersey at 12 libo sa New York ang nawalan ng suplay ng kuryente.

Sa Annapolis, 50 kilometro mula sa Washington, pinatumba naman ng isang tornado ang mga poste ng kuryente at binunot ang mga puno.

Isang tornado rin ang tumama kagabi sa Cape Cod na isang popular na tourist destination sa Massachusetts.

Babala ng NWS . . . “The threat of tornadoes would linger, with tornado watches in effect for parts of southern Connecticut, northern New Jersey, and southern New York as hurricane Ida tracked north through New England Thursday.”

Please follow and like us: