Hindi bababa sa 42, patay sa mga pagbaha at landslides sa Haiti
Hindi bababa sa 42 katao ang namatay at 11 ang nawawala sa Haiti pagkatapos ng malakas na pag-ulan nitong weekend, na dulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Tinamaan ng masamang lagay ng panahon ang pito sa 10 lugar sa bansa, na nakalugmok na dahil sa matagal nang humanitarian crisis na pinalala ng gang violence, political collapse at hindi umuunlad na ekonomiya.
Ayon sa UN, ang malalakas na mga pag-ulan ay nakaapekto sa 37,000 katao at 13,400 naman ang na-displace.
Partikular na lubhang naapektuhan ay ang bayan ng Leogane, na nasa 40 kilometro (25 milya) sa timog-kanluran ng kabisera na Port-auPrince, na ang mga pinsala ay dulot ng tatlong umapaw na mga ilog.
Ayon sa Haitian officials, hindi bababa sa 20 katao ang namatay doon.
Sinabi ni Leogane Mayor Ernson Henry, “The residents are desperate. They have lost everything. The waters have ravaged their fields, washed away their livestock.”
Aniya, libu-libong pamilya ang naapektuhan sa bayan, at binigyang diin na ang populasyon ay kagyat na nangangailangan ng pagkain, maiinom na tubig, at gamot.
Ang mga pagbaha ay nagdulot ng lubhang pinsala sa buong bansa, kung saan daan-daang mga bahay ang nawasak at ilang mga kalsada rin ang napinsala.
Ayon kay Jean-Martin Bauer, UN coordinator ng humanitarian action sa Haiti, “Although it is not a hurricane or a tropical storm, the damage observed in the afected areas is considerable.”
Pinakilos naman ni Prime Minister Ariel Henry ang National Emergency Operation Center upang rumesponde.
Ang maraming bilang ng mga naapektuhan ay nagpapakita na lantad ang bansa sa mga natural na sakuna at ang kabiguan nitong pigilan ang panganib sa bagyo, ngayong magsisimula na ang hurricane season.
Ayon sa UN, bago pa ang mga pagbaha ay halos kalahati na ng populasyon ng Haiti ang nangangailangan ng humanitarian assistance, isang bilang na dumoble sa nakalipas lamang na limang taon.