63 Pinoy sa Haiti inaasahang uuwi sa bansa bunsod ng kaguluhan doon
Inaasikaso na ng gobyerno ang pagpapauwi o repatriation sa bansa ng 63 Pilipino sa Haiti dahil sa nagpapatuloy na karahasan doon.
Itinaas sa Alert Level 3 ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon sa lugar na ibig sabihin ay voluntary repatriation.
Sa pahayag ng DFA, Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kukuha ng chartered flight ang pamahalaan dahil walang flights mula sa Haiti at hindi hinihikayat ang land travel sa kabisera nito na Port-au-Prince.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Washington at ang local DMW sa Pinoy community leaders at sa konsulado sa Haiti ukol sa planong repatriation.
Batay sa tala, kabuuang 115 Pilipino ang nasa Haiti.
Hihintay pa ng gobyerno ang kumpirmasyon kung ang nalalabing Pinoy ay sasama pabalik ng bansa.
Wala namang naiulat na Pinoy na nadamay sa kaguluhan sa Haiti.
Moira Encina