Hindi bababa sa 8 suspek sa pagkawala ng 31 e-sabong aficionados natukoy na
Hindi bababa sa walong suspek ang natukoy nang sangkot sa pagkawala ng 31 e-sabong o online cockfight aficionados, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Iniulat ng hepe ng DILG kay Pangulong President Rodrigo Duterte, na tinatrabaho na ng Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto sa nabanggit na mga suspek sa sandaling makakalap na sila ng sapat na ebidensiya.
Sa Talk to the People, sinabi ni Año sa pangulo . . . “Nais naming ibalita, Mr. President, at least eight suspects na ang ating na-identify. Sa oras na makuha na natin ang sapat na ebidensiya ay hihingin na natin ang tulong ng korte. At sa bisa ng mga warrant, agad nating hahanapin ang mga suspects na ito upang mabigyang linaw na ang mga insidente at mapatawan ng hustisya ang mga taong responsable dito.”
Sinabi ng DILG na ang 31 nawawalang katao ay huling nakita sa lugar na kinaroronan ng cockpit arenas. Karamihan sa sasakyang gamit ng mga ito ay nakitang inabandona malapit sa lugar kung saan sila nakatira.
Ayon sa palasyo ng Malakanyang . . . “All the cockpit arenas involved are under the same administrator and operator, and there is no CCTV installed in those facilities, the investigators have found. Also, most of persons of interest are either security or management personnel of the cockpit arenas.”
Ang PNP ay nakikipag-ugnayan na sa National Bureau of Investigation (NBI), mga lokal na korte at sa Department of Justice (DOJ) para maresolba ang mga kaso.
Ayon kay Año . . . “Makakaasa po kayo, Mr. President, at ang ating mga kababayan, na hindi titigil ang Kawanihan ng PNP, kasama ang iba pang ahensiya hangga’t hindi nauungkat ang katotohanan sa likod ng mga insidenteng ito.”