Hindi pag-uwi sa bansa ni Teves, indikasyon na guilty ito – Remulla
Mukhang guilty!
Ganito tinitingnan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pahayag ni suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. na ‘fake news’ ang balitang uuwi na siya sa bansa ngayong Miyerkules, May 17.
Sinabi ni Remulla na indikasyon umano ng pagiging guilty ang hindi pa rin pag-uwi sa bansa ni Teves.
Nangangahulugan aniya itong umiiwas si Teves na kaharapin ang mga reklamo laban sa kaniya.
Sa pagsisiyasat ng Department of Justice, lumabas na isa si Teves sa umano’y nag-mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso.
Sinabi pa ng kalihim na “flight is an indication of guilt.”
Dagdag pa ni Remulla ay may ticket na pauwi ng bansa si Teves.
Inaasahan na ngayong Miyerkules ang pormal na paghahain ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga reklamong murder laban kay Teves sa Department of Justice (DOJ).
Moira Encina