Hindi papalitan ng Korean language ang Filipino subject – DepEd
Wala namang sinasabi ang Korte Suprema na alisin na ang Filipino subject sa mga asignatura sa kolehiyo.
Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali ang sinasabi lamang aniya ng kataas-taasang hukuman ay wala namang malalabag na batas sakaling ipatupad ito.
Pero sa panig ng Department of Education (DepEd), nilinaw ni Umali na hindi nila pinapalitan ng korean language ang Filipino subject dahil mas palalawigin at mas lalaliman pa aniya ang pamamaraan ng pagtuturo nito bilang bahagi na rin ng K to 12 Program ng kagawaran.
“Sa bahagi ng DepEd, wag mag-alala ang ating mga kababayan dahil hindi natin pinapalitan ang Filipino ng Koreano sa High-school o sa Elementary bagkus lalu pa natin itong itinuturo ng mas malawak at mas malalim na pamamaraan dahil ang Filipino ay required subjects at part of the core subjects that all students maski academic tech-voc o arts and design course, kailangan may Filipino subjects”.
Ang Korean language ay isa sa limang lengguwaheng nasa ilalim ng Special Program for Foreign language (SPFL) classes na itinuturo sa mga estudyanteng nasa grade 7 to 10 na may mastery sa Filipino at English languages.
Ang SPFL ay isang special program ng Deped para sa pagkakaroon ng kaalaman sa wika at kultura ng iba’t-ibang bansa.
=================