Hinihinalang miyembro ng NPA at manugang ng isang NDF consultant, sumalang sa inquest proceedings sa DOJ
Isinalang sa Inquest Proceedings sa Department of Justice o DOJ ang hinihinalang miyembro ng New People’s Army o NPA na manugang ng isa sa mga NDFP consultant na si Rafael Baylosis.
Nadakip si Marklen Maojo Maga, 38-anyos ng PNP-CIDG-NCR at ISAFP sa San Mateo, Rizal sa bisa ng warrant of arrest laban dito.
Akusado si Maga sa kasong murder dahil sa pagpaslang sa isang sundalo sa Agusan noong Marso 2017.
Nakumpiska naman mula kay Maga ang isang kalibre 45 pistola at mga bala.
Dahil dito, sinampahan si Maga sa DOJ ng hiwalay na reklamong illegal possession of firearms and ammunition na paglabag sa ilalim ng R.A. 10591.
Samantala, idineklara na ni Senior assistant State Prosecutor Clarisa Kuong na submitted for resolution na ang kaso matapos na hindi maghain ng waiver of detention.
Pansamantalang ikukulong si Maga sa Camp Crame habang hinihintay ang resolusyon sa inquest proceeding.
Ulat ni Moira Encina