Hirit na TRO laban sa joint venture agreement ng CENECO at Primelectric Holdings sa Negros, ibinasura ng Bacolod RTC
Ibinasura ng Bacolod Regional Trial Court (RTC) ang hirit na temporary restraining order (TRO) na layong harangin ang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Central Negros Electric Cooperative (CENECO) at Primelectric Holding Inc.
Sa 3-pahinang desisyon, sinabi ni Bacolod RTC Branch 6 Presiding Judge Maria Lina Gonzaga na nilabag ng petitioner na Negros Consumers’ Watch (NCW) at iba pa ang proseso sa paghahain ng petisyon sa korte.
Nakasaad sa desisyon na batay sa record, lumilitaw na hindi nabigyan ng kopya ng petisyon ang respondents sa kaso na kinabibilangan ng CCENECO Board of Officers; Primelectric Holdings Inc. at Negros Electric Power Corp.
Paalala ng korte, isa sa mga pangunahing proseso sa isang aplikasyon na humihiling ng TRO ay dapat alam din ito ng kabilang panig.
Pero sa nasabing kaso ay hindi nabigyan ng notice ang adverse party.
Layon ng JVA sa pagitan ng Ceneco at Primeeletric Holdings Inc. na maisalba ang power industry sa Negros.
Aabot umano sa P4 billion investment ang ilalaan para sa modernisasyon kasama na ang pagbili ng assets at budget para sa capital expenditures.
Nasa 1,000 barangay leaders, business groups, multi sectoral groups at maging ang lokal na pamahalaan ang pabor sa nabuong JVA, para na rin tuluyang maresolba ang problema sa kuryente sa rehiyon kabilang ang madalas na nararanasang brownout at mataas na presyo ng kuryente dala ng systems loss na umaabot sa P20 million kada buwan.
Madelyn Moratillo