Hirit ng Metro Mayors na panatilihin sa GCQ ang NCR hanggang matapos ang 2020, tatalakayin ng IATF- Malakanyang
Isasailalim sa masusing pag-aaral ng Inter- Agency Task Force o IATF ang rekomendasyon ng Metro Manila Council na panatilihin muna sa General Community Quarantine o GCQ ang National Capital Region o NCR hanggang sa katapusan ng December 2020.
Sa virtual press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential spokesperson Secretary Harry Roque na regular namang nagpupulong ang IATF kasama ang mga Metro Mayors para talakayin ang anumang developments sa lagay ng kaso ng Covid-19 sa NCR.
Ayon kay Roque, binibigyang halaga ng IATF ang obserbasyon ng mga Metro Mayors dahil sila ang direktang nakakakita ng aktuwal na sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Inihayag ni Roque na sang-ayon naman ang IATF sa nais mangyari ng mga metro mayors na gawing dahan-dahan at unti-unti ang gagawing pagluluwag ng mga Quarantine protocol sa NCR upang masigurong hindi lolobo ang kaso ng Covid -19.
Vic Somintac