Hirit ni Pangulong Duterte na Martial Law extension sa Mindanao, inalmahan ng Makabayan bloc sa Kamara
Inalmahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon kay Act Teachers Rep. Antonio Tinio, hindi dapat maging sunud-sunuran ang Kongreso sa Malacañang lalo na sa usapin ng batas militar.
Sinabi ni Tinio na hindi maaaring gawin lamang seremonya ang joint session sa Sabado para tanggapin ang liham ng Pangulo para sa Martial Law extension.
Para naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, kailangang hindi madaliin ang pag-apruba sa Martial Law extension.
Kailangan aniyang pag-aralan itong mabuti ng mga mambabatas upang mabatid kung mayroon talagang batayan ang pagpapalawig nito.
Iginiit din ni Zarate na bago ang special session ay dapat magpaliwanag ang mga security at defense official ng bansa sa Kamara kung bakit kailangan ng mahabang extension ng Martial Law.