Hiwalay na retirement trust fund para sa AFP isusulong ng Marcos administration
Isusulong ng Marcos administration ang pagbuo ng isang hiwalay na trust fund para sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Defense Secretary Gilbert ‘Gibo’ Teodoro ang AFP Retirement Trust Fund ay hiwalay sa civilian uniformed personnel gaya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Sa panayam ng NET25 program Ano sa Palayag Nyo? (ASPN), sinabi ni Teodoro na popondohan ito ng kita mula sa real estates assets ng AFP, gayundin ng Retirement and Separation Benefits System (RSBS) at bahagi ng dibidendo mula sa mga bases sa ilalim ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
“Bubuo po ng AFP retirement benefits na tatamnan ng real estate assets ng AFP, to include yung RSBS, pinag-aaralan din po namin yung yearly na dividend sa bases na BCDA na dito mapupunta,” pahayag ni Sec. Teodoro.
Paliwanag ni Teodoro hindi maihahalintulad sa ibang uniformed personnel ang sitwasyon ng mga sundalo.
“Iba ang basehan ng paninilbihan ng sundalo sa ibang miyembro ng other civilian agencies na naka-uniporme… ang kanilang patakaran sa buhay military law hindi civil service, napakatindi ng mga restrictions sa kanilang buhay, yung regimentation sa kanilang buhay ay kakaiba,” paliwanag pa ng defense chief.
Sa ngayon ang retirement benefits na tinatanggap ng mga military and uniformed personnel (MUP) ay itinakda sa General Appropriations Act (GAA) na walang kasiguruhan.
Paglilinaw naman ng Defense Chief na sa isasagawang reporma sa pension system ng MUP, hindi maaapektuhan ang mga kasalukuyang miyembro kundi magiging epektibo ito sa mga new entrants.
At sakali mang mag-contribute ang mga bagong entrants ay ipinatitiyak ni Pangulong Marcos na ito ay ang pinakamababang kontribusyon na maaring ibawas sa kanila.
Paliwanag pa ng kalihim “our goal is to reduce reliance in government, this being the case, the contribution of national pension to budget will be reduced.”
Sa kabuuan ay nasa 144,000 ang tumatanggap ng pension at isasailalim ito sa paglilinis.
Bukod sa actuarial study na ginagawa ng Government Service Insurance Corporation (GSIS) ay nagsasagawa rin ng bukod na actuarial study ang Defense Department para ikumpara ito sa pag-aaral ng GSIS.
Tiniyak naman ni Teodoro na sakaling maisakatuparan, titiyaking pangangasiwaan ito ng fund custodian at fund manager na may malalim na karanasan at kakayahan para protektahan ang pondo ng mga sundalo.
Weng dela Fuente