Hong Kong binaha dulot ng malakas na mga pag-ulan na noon lamang nila naranasan sa loob ng 140 taon
Binaha ang Hong Kong matapos bagsakan ng napakalakas na mga pag-ulan na noon lamang nila naranasan sa loob ng halos 140 taon, sanhi upang lumubog sa tubig ang mga kalsada at ilang subway stations ng lungsod.
Sa tech hub ng China na Shenzhen ay nakapagtala ng pinakamalakas na ulan, mula noong 1952.
Nagsimula ang pagbagsak ng malakas na pag-ulan sa Hong Kong noong Huwebes, at sa mga oras hanggang maghatinggabi, kung saan ang weather observatory ng siyudad ay nakapagtala ng 158.1 millimeters ng ulan, ang pinakamataas simula noong 1884.
Kaugnay nito, nagpalabas ang mga awtoridad ng flash flood warnings, habang ang emergency services naman ay nagsagawa ng rescue operations sa ilang bahagi ng teritoryo.
Ayon sa observatory, “Residents living in close proximity to rivers should stay alert to weather conditions and should consider evacuation.”
Nagbabala rin ito ng posibilidad ng landslides, kayat pinayuhan ang mga motorista na “iwasan ang matatarik na dalisdis o retaining walls.”
Nitong Biyernes ng umaga, nahirapan ang mga taxi na bagtasin ang binahang mga kalsada upang ihatid ang mga pasahero na nagtangkang pumasok sa trabaho.
Samantala, binaha rin ang mga kalsada sa isla ng Lantau, matapos umapaw ang mga ilog.
Nitong nagdaang weekend, ang southern China ay magkasunod na tinamaan ng dalawang bagyo, ang Saola at Haikui, ngunit ang Hong Kong ay hindi direktang tinamaan.
Sinabi ng weather observatory ng Hong Kong, na ang malakas na mga pag-ulan ay dala ng trough ng low pressure na may kasamang bakas ng bagyong Haikui.
Wala namang napaulat na nasaktan, ngunit sinuspinde ng mga awtoridad ang pasok sa mga paaralan, at itinigil muna ang cargo clearance services sa hangganan ng siyudad sa Shenzhen.
Ang border disruption ay ipinatupad ilang oras matapos i-anunsiyo ng Hong Kong authorities na ang Shenzhen ay naghahandang magpakawala ng tubig mula sa kanilang reservoir, na anila’y maaaring magdulot ng mga pagbaha sa hilagang bahagi ng lungsod.
Sinabi naman ng metro operator ng Hong Kong, na nagkaroon ng service disruption sa isa nilang linya makaraang bahain ang isang istasyon sa Wong Tai Sin district.
Ilang istasyon pa ang naapektuhan ng mga pag-ulan.