Hong Kong hindi na magpapatupad ng mandatory vaccines para sa foreign domestic workers
HONG KONG, China (AFP) – Binawi na ng Hong Kong ang isang plano kung saan gagawing mandatory para sa foreign domestic workers ang pagpapabakuna, matapos na umani ng batikos ang panukala at maging sanhi ng hidwaan sa Pilipinas.
Plano ng health officials sa Hong Kong na magpatupad ng mandatory vaccination para sa 370 libong donestic workers sa lungsod, na karamihan ay kababaihang galing sa Pilipinas at Indonesia.
Ang mga nagnanais na mag-apply para sa work visa o mag-renew, ay kailangang magpakita ng katunayang nakatanggap na sila ng dalawang doses ng bakuna.
Subali’t ngayong Martes, ay inanunsyo ng lider ng lungsod na si Carrie Lam ang pagbabago sa naturang plano.
Ayon kay Lam . . . “The government has decided not to request mandatory vaccination when helpers renew their contracts.”
Aniya, ang desisyon ay ginawa matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal mula sa Pilipinas at Indonesia.
Una nang sinabi ni Philippine foreign affairs secretary Teodoro Locsin, na ang naunang panukala ay isang diskriminasyon.
Ang mandatory vaccination plan ay inanunsyo ng Hong Kong health officials, matapos matuklasan na dalawang domestic workers ang infected ng isa sa mas nakahahawang variant ng coronavirus.
Anila, high risk ang domestic helpers dahil malimit na matatanda na ang kanilang inaalagaan at nagkikita-kita ang mga ito sa mga parke tuwing day off nila ng Linggo.
Ayon sa labor groups na kumakatawan sa domestic workers, pakiramdam nila ay pinag-iinitan lamang sila dahil hindi naman mandatory ang bakuna sa pamilyang kanilang pinagtatrabahuan o maging ang mga taga Hong Kong na nagtatrabaho sa care homes.
Tinukoy pa nila na ang mas mayayamang foreign migrants gaya ng white-collar financial workers ng lungsod, ay hindi naman pinuwersang magpabakuna nang magkaroon ng virus outbreak sa kanilang distrito.
@ Agence France Presse