Hornets, wagi laban sa Nets para sa ikatlo nilang sunod na panalo
Naka-iskor ng team-high 32 points si Miles Bridges, sa ikatlong sunod na panalo ng Charlotte Hornets na bumigo sa home debut ng Brooklyn Nets.
Wagi ang Hornets laban sa Nets sa score na 111-95, sa kanilang laro nitong Linggo (Lunes, oras sa Maynila).
Naiwan ng walong puntos ang Charlotte sa halftime, ngunit bumawi ito sa pamamagitan ng pagtambak sa Brooklyn sa score na 61-37 sa second half.
Tinalo rin ng Hornets ang Indiana Pacers at Cleveland Cavaliers, sa pamamagitan ng kanilang malakas na second-half performances.
Ayon kay Bridges . . . “That just shows where our growth is. As long as we’re all being mature, we’re going to keep winning.”
Samantala, si Kevin Durant ang nanguna para sa Nets kung saan gumawa ito ng 38 points, habang nag-ambag din ng 15 points si James Harden.
Nagkaroon naman ng bahagyang kaguluhan sa labas ng stadium bago ang pagsisimula ng laro, matapos itulak ng ilang anti-vaccine protesters ang barriers hanggang sa makarating sila sa harapang pintuan ng Barclays Arena.
Ayon sa tagapagsalita ng Barclays Center . . . “Barclays Center briefly closed its doors in order to clear protestors from the main doors on the plaza and ensure guests could safely enter the arena. Only ticketed guests were able to enter the building and the game proceeded according to schedule.” (AFP)