Hotel owners, umaasang makakabawi sa muling pagbubukas ng turismo sa Baguio City
Aminado ang ilang hotel owners at workers na labis na naapektuhan ang kanilang kabuhayan dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ay kahit na isinailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ ) ang lungsod.
Sinabi ni Jeannine Chan, Manager at owner ng Mountain Lodge sa Baguio city, dahil sa pandemya kaya naging matumal ang pagpasok ng mga bisita at kostumer sa kanilang hotel at restaurant.
Dagdag pa ni Chan, noong wala pang pandemya, araw-araw ay napupuno ng mga costumer at bisita ang kanilang resto lalo na kapag holiday season.
Ayon pa kay Chan, naobliga silang magbawas ng mga empleyado dahil wala na halos pumapasok na income sa kanilang negosyo.
Ipinagmalaki rin ni Chan na ang kanilang establisyimento ay itinuturing na tourist’s spot o destination na malimit pasyalan ng mga turista maging ng mga kilalang personalidad dahil sa kanilang mini-museum gallery sa loob ng hotel na sinimulan ng kaniyang ina na si Carmen Mccann.
Nakadisplay sa kanilang mini-museum ang mga lumang larawang kuha sa panahon pa ng mga Amerikano noong 1914. Kabilang dito ang larawan ng iba’t- ibang tourist spots ng lungsod katulad ng Camp John Hay, old City Market, Burnham Park, Philppine Military Academy ( PMA ) old City Hall Building at iba pa.
Mapapansin din ang mga lumang artworks, kagamitan at mga kasuotan ng mga katutubo na hanggang ngayon ay patuloy na iniingatan at pini-preserved bilang pagpapahalaga sa kultura at tradisyon ng mga taga lungsod ng baguio.
Inaasahan ng mga hotel owner na sa muling pagbubukas ng turismo sa lungsod ay muli ring sisigla ang kanilang hotel at resto business.
Samantala, nagpahayag naman ng pagsuporta ang kasalukuyang presidente ng Market to Home Delivery Association sa mga apektadong empleyado at residente ng lungsod dulot ng pandemya.
Freddie Rulloda, Arlene Mendez, Grace Espino