Hotline numbers para sumbungan ng mga tiwaling pulis, mas pinaigting pa ng Napolcom
Mas pinaigting pa ng Napolice Police Commission (Napolcom) ang hotline numbers para dulugan ng publiko para sa mga katiwalian o maging sa mga accomplishments na ginagawa ng mga pulis.
Ayon kay Chief Rogelio Larracas, Division Chief ng Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng Napolcom, ang mga hotline numbers ay ang: 0917-779-1234 at 0998-984-8888 or landline na 283-9888.
Bukas ang nasabing mga hotline 24 oras, araw-araw.
Ayon kay Larracas, maaring idulog sa mga hotline ang mga nakikitang ginagawang hindi maganda ng mga pulis na hindi na naaayon sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Gaya ng murder, physical injuries, homicide, karahasan lalu na sa mga kababaihan at iba pa.
Mas maganda aniya kung ang mga reklamo at sumbong ay may kalakip o suportado ng mga ebidensya na magpapatunay na sangkot sa iregularidad ang mga pulis.
Tiniyak naman ni Larracas sa mga magdudulog ng reklamo na hindi ilalantad ang kanilang pagkakakilanlan at Napolcom na ang tatayo bilang complainant.
“Kung maaari kung makukuhanan nila ng larawan na magpapatunay na sila ay naroon sa nasabing lugar ay amin itong iba-validate at kung ito ay mapatunayan ito ay bibigyan namin ito ng aksyon. Kami na rin ang magiging nominal complainant”.