House Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. pinaaagapan sa DPWH at DENR ang nagbabantang landslide sa mga komunidad na nakapalibot sa Mount Arayat sa Pampanga
Umapela si House Deputy Speaker Pampanga Congressman Aurelio Gonzales Jr. sa Department of Public Works and Highways o DPWH at Department of Environment and Natural Resources o DENR na agapan ang nagbabantang landslide sa mga komunidad na nakapalibot sa Mount Arayat sa lalawigan ng Pampanga.
Personal na nakipagpulong si Gonzales sa Regional officers ng DPWH at DENR sa Region 3 upang ilatag ang precautionary measures at maiwasan ang trahedya kapag nagkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan dala ng bagyo.
Ayon kay Gonzales,nagrereklamo na ang mga nakatira sa Barangay San Juan Baño na nasa paanan ng Mount Arayat na mayroon nang nagaganap na minor landslide at gumugulong ang mga debris na nagmumula sa tuktok ng Mount Arayat kapag umuulan ng malakas lalo na noong manalasa ang bagyong Paeng.
Sinabi ni Gonzales nagkaroon na rin ng pagpupulong sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Pampanga, upang makipagtulungan sa DPWH at DENR Region 3 para maiwasan ang malaking landslide sa Mount Arayat tulad ng nangyari sa Maguindanao sa panahon ng pananalasa ng bagyong Paeng na nagdulot ng flash flood at landslides na ikinamatay ng maraming residente.
Dahil dito binuo na ng Pampanga provincial government ang Mount Arayat Community Safety Task Force at Landslide Early Warning System.
Inihayag ni Gozales na nangako ang DPWH na maglalagay ng debris flow barriers sa Sapang Maeyagas Creek para hindi bumagsak sa mga komunidad na nakapalibot sa Mount Arayat.
Vic Somintac