House Speaker Alan Peter Cayetano, hiningi ang pakikipagkaisa ng kapwa mambabatas para maging katiwa-tiwala sa sambayanan ang Kongreso
Hinikayat ng bagong halal na House Speaker at Taguig City Representative Alan Peter Cayetano ang kaniyang kapwa mambabatas na gawin ang tama upang maging katiwa-tiwala sa taumbayan.
Nanawagan din si Speaker Cayetano ng pagkakaisa at respeto upang madama ng taumbayan na ang Kongreso ay takbuhan ng sambayanan.
Si cayetano ay pormal nang nahalal kahapon bilang bagong House Speaker sa pamamagitan ng 266 votes laban kay Manila 6th district Representative Benny Abante Jr. na nakakuha lamang ng 28 votes.
Bumoto rin para kay Cayetano sina Marinduque Representative Lord Allan Velasco, Leyte Representative Martin Romualdez at Davao city Representative Paolo Duterte na nauna nang nagpahayag ng pagtutol sa term-sharing.
Mananatili si Cayetano sa kaniyang posisyon sa loob ng 15 buwan at matapos nito ay iiwan niya ang kaniyang posisyon kay Marinduque representative Lord Allan Velasco para mamuno sa Kamara sa loob naman ng 21 buwan.
Kasabay nito, hiningi din ni Cayetano ang tulong ng mga kapwa niya mambabatas sa pagsisilbi sa mamamayan at upang maipasa na ang lahat ng mga legislative agenda.
Nagpasalamat din ang bagong House Speaker sa tiwalang ibinigay sa kaniya para pamunuan ang Mababang Kapulungan
“Gawin natin kung ano yung tama, let us do what is right. This is the House of the people. We should love and respect our Congressman but we should also feel that the House of Representatives is the House of People. Tayo ang takbuhan ng sambayanan. We will do what is right so we will have a Congress that is relevant, responsive and reliable”.