House Speaker Velasco, hiniling kay PRRD na irekonsidera ang polisiya sa paggamit ng face shield
Mismong si House Speaker Lord Allan Velasco na ang lumiham kay Pangulong Rodrigo Duterte para hilinging irekonsidera na ang polisiya sa pagsusuot ng face shield bilang dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.
Sa liham ni Velasco na may petsang September 20, 2021, nakasaad na dagdag pasanin lang ang face shield lalo na at maraming naghihirap dahil sa pandemya.
Giit pa ni Velasco, wala pa rin namang solidong medical evidence na epektibo ang paggamit ng face shield para malabanan ang transmission ng virus.
Paliwanag ni Velasco, ang isang face shield na nagkakahalaga ng 20 hanggang 50 pesos ay pangkain na ng isang mahirap na Pilipino.
Ayon sa House Speaker, maging ang World Health Organization at maging ang US Center for Disease Control and Prevention ay inirerekumenda lang ang paggamit ng eye protection gaya ng goggles at face shield sa mga direktang nag-aalaga ng COVID-19 patient.
Batay aniya sa pag-aaral naman ng physician-researchers ng Wayne State University School of Medicine, nakasaad na wala namang masyadong ipinagkaiba ang paggamit ng kombinasyon ng face shield at mask sa paggamit lang ng mask.
Ginamit rin nitong halimbawa ang pag-aaral ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases na walang dagdag proteksyon na naibibigay ang face shield laban sa respiratory aerosol gaya ng mayroon ang COVID-19.
Dagdag pa ni Velasco, pinapalala lang ng face shield ang plastic pollution at problema sa basura.
Madelyn Moratillo