House-to-house at mobile COVID-19 vaccination, tututukan ng task force para mas marami pang mabakunahan
Ililipat ng pamahalaan ang pansin sa pagsasagawa ng bahay-bahay at mobile COVID-19 immunization drives, dahil kakaunti ang nagtutungo sa vaccination centers para magpabakuna.
Sinabi ni presidential peace adviser at National Task Force Against COVID-19 head Carlito Galvez, na mula sa isang milyon araw-araw ay bumaba na sa 500,000 doses ang naibibigay na bakuna sa bansa.
Binanggit din niya ang mababang turnout sa ikatlong round ng malawakang vaccination drive laban sa COVID-19 ng gobyerno, kung saan 3.44 milyong indibidwal lamang mula Pebrero 10 – 18 ang nabakunahano hindi umabot sa target na limang milyong katao.
Ayon kay Galvez . . . “We have reached the saturation point or what we call the inflection point for our vaccination centers. We now need to visit barangays and go house-to-house to raise our daily output.”
Sa pinakasariwang datos ng gobyerno, lumitaw na higit 62.5 milyong katao na ang nakakumpleto ng bakuna laban sa COVID-19. Target ng gobyerno na ganap na mabakunahan ang 90 milyong indibidwal sa pagtatapos ng Hunyo.
Sinabi rin ng vaccine czar, na patuloy na magpo-pokus ang gobyerno sa natitira pang tatlong milyong senior citizens at mga taong may comorbidity na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Dagdag pa niya, dapat ding maragdagan ang mga nabibigyan ng booster shot. At dahil ang booster rollout ay sinimulan lamang noong Nobyembre ng nakalipas na taon, 9.7 milyong katao pa lamang ang nabigyan nito.
Ani Galvez . . . “We need to direct the 12 regions with high coverage to shift their focus in administering the boosters.”
Ang tinutukoy niya ay ang lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Bicol region, Caraga, Mimaropa, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Aniya . . . “We also need to dedicate days for the administration of boosters.”