Hudikatura humirit sa Senado na dagdagan pa ang P52.7 panukalang pondo para sa 2023
Sinimulan na ng komite sa Senado ang pagdinig sa panukalang budget ng Hudikatura para sa susunod na taon.
Sa budget hearing ng Senate Finance Committee, hiniling ng mga opisyal ng Hudikatura sa Senado na ikonsiderang dagdagan ang pondo ng Supreme Court, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at mga lower courts sa bansa para sa 2023.
Ayon kay Court Administrator Raul Villanueva, ang ipinanukalang nilang 2023 budget para sa hudikatura sa Department of Budget and Management (DBM) ay P74.18 billion.
Pero ito ay tinapyasan aniya ing DBM ng mahigit P 21.4 billions at pinaglaanan na
lang ng P52.72 billion sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program.
Bagamat mas mataas ito ng P5 bilyong kumpara sa pondo nito ngayong 2022 ay maliit pa rin daw ang inaprubahang pondo ng DBM.
Kaugnay nito, hiniling ng judiciary officials na maikonsidera na dagdagan ng P2.8 bilyon ang P52.7 billion proposed budget.
Kabilang sa mga pupuntahan ng additional funds ay ang 2023 Bar Exams at mga benepisyo ng court personnel.
Tiniyak pa ng mga opisyal ng hudikatura na patuloy nilang gagawin ang kanilang mandato at mararamdaman ng mamayan ang hustisya.
Tumagal ng halos tatlong oras ang pagkilatis ng senate panel sa budget.
Pero nagpahayag ng pagsuporta ang mga senador sa pondo ng hudikatura at sa mga programa nito.
Moira Encina