Hudikatura nakikidalamhati sa mga pumanaw na sundalo sa bakbakan Marawi City
Ngayong araw ng kalayaan, kinilala at inalala ng hudikatura ang lahat ng mga bayaning Pilipino na nakipaglaban at patuloy na nakikipaglaban para sa kasarinlan ng bansa.
Sa kanyang Independence Day message, binanggit ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nakikidalamhati ang hudikatura sa mga sundalong nasawi sa pakikipag-bakbakan sa mga teroristang grupo sa Marawi City.
Kumukuha aniya sila ng inspirasyon sa katapangan ng mga bayaning Pinoy at muling tiniyak ang katapatan ng hudikatura sa pagdepensa sa kalayaan ng mga mamamayan.
Patuloy na buhay aniya sa katauhan at dugo ng mga nakikipaglaban sa kalayaan ng bansa ngayon ang kabayanihan ng ating mga ninuno na nagbuwis ng buhay para makalaya mula sa mga dayuhang mananakop.
Nakatakda namang dinggin ng Korte Suprema ang mga petisyon laban sa Martial Law sa Mindanao simula bukas hanggang Huwebes.
May tatlumpung araw ang Supreme Court para desisyunan ang mga petisyon na humihiling na ipawalang bisa ang batas militar sa Mindanao.
Ulat ni: Moira Encina