Hukom na lumilitis sa kaso ng pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo, nag-inhibit
Bumitiw na sa paglilitis sa kaso ng pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo si Angeles city Regional Trial Court branch 56 Judge Irin Zenaida Buan.
Si Judge Buan ang pumayag na makapagpiyansa ang pangunahing suspek sa kaso na si Police Lt. Col. Rafael Dumlao III.
Sa dalawang pahinang kautusan, pinagbigyan ni Buan ang second motion for inhibition na inihain ng mga DOJ Prosecutors na sinegundahan ng mga akusadong sina SPO3 Ricky Sta Isabel at dating NBI agent Jerry Omlao.
Kaugnay nito, iniutos ng Judge ang pag-turn over ng mga record ng kaso sa Office of the Clerk of Court ng Angeles city RTC.
Ayon kay Buan, magiging counter-productive kung itutuloy niya pa ang paglilitis sa kaso dahil sa paniniwala ng prosekusyon at dalawa sa mga akusado na hindi siya patas.
Ang unang motion for inhibition ay inihain ng prosekusyon noong Mayo pero ibinasura ni Judge Buan.
Ulat ni Moira Encina