Huling araw ng voter’s registration ng Comelec, dinagsa
Dumagsa ang mga kababayan natin sa mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) na nais na magparehistro para sa huling araw ng Voter’s registration ngayong araw.
Sa Arroceros sa Maynila napakahaba ng pila sa labas ng tanggapan ng Comelec na ang dulo ay umabot pa hanggang sa may bahagi ng Arroceros park.
Sa kabila ng mainit na sikat ng araw nagtiyaga ang mga kababayan natin sa pagpila para lang makapagparehistro.
Habang ang iba naman ay sumilong sa ilalim ng puno.
Ang voter’s registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ay sinimulan noong Agosto 1 at nagtapos ngayong araw, September 30.
Maging sa mga tindahan ay pila rin ang mga kababayan natin na magpapa-photo copy ng kanilang application form.
Pero bagamat noong nakaraang buwan pa sinimulan ang registration…ilang kababayan natin ang ngayon lang humabol kung kailan huling araw na.
Ang iba sa kanila naging abala sa paghahanap buhay at ang iba naman ngayon lang nagkaroon ng bakanteng oras o nakapag leave sa trabaho.
Nauna nang ipinahayag ng Comelec na hindi na nila palalawigin ang voter’s registration.
Batay sa datos ng Comelec hanggang nitong Setyembre 21, aabot na sa mahigit 2.6 milyon ang mga nagparehistrong botante.
Ulat ni Madz Moratillo