Huling bahagi ng mega-gas field, pinasinayaan ng Iran
Pinasinayaan ni Iranian President Ebrahim Raisi ang huling bahagi ng South Pars gas field, isa sa pinakamalaking natural gas condensate field sa buong mundo at pinakamalaki sa Iran.
Kabahagi ng Iran sa gas field ang energy giant na Qatar at mayroong 24 na platforms sa bahagi ng Islamic republic na nagdi-develop nito sa Gulf mula pa noong 1990s.
Sa isang seremonya sa southern port city ng Asalouyeh, ay sinabi ni Oil Minister Javad Owji, “Around 50 million cubic meters of gas will be extracted daily from phase 11 of the project after the completion of the wells.”
Inireklamo naman ni Raisi na hindi tinupad ng mga dayuhang kompanya, kabilang ang French energy giant na Total, “ang kanilang obligasyon na kumpletuhin ang 11th phase ng South Pars,” at iniwan sa mga Iranian ang trabaho.
Nakatakdang i-develop ng Total ang phase 11 ng South Pars kasama ang National Petroleum Corporation (CNPC) ng China at isang Iranian firm, sa ilalim ng isang 2017 deal na nagkakahalaga ng $4.8 billion.
Makalipas ang isang taon ay umatras ang Total sa proyekto makaraang mag-pull out ang noo’y US President na si Donald Trump sa 2015 nuclear agreement at muling nagpataw ng sanctions sa Iran.
Noong 2019, inanunsiyo ng Tehran na inabandona na rin ng China ang proyekto.
Ang Iran ang pangalawang may pinakamalaking gas reserves sa buong mundo kasunod ng Russia, at pang-apat na may pinakamalaking oil reserves sa buong mundo.