Huling Flag ceremony para kay outgoing Chief Justice Peralta, itinuloy ngayong araw; Mahigpit na Health protocol, ipinatupad
Itinuloy ngayong araw ng Korte Suprema ang tradisyunal na “last flag ceremony” para kay outgoing Chief Justice Diosdado Peralta na magreretiro sa March 27.
Ito ay sa kabila ng mas mahigpit na General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila at ilang karatig na probinsya.
Ang seremonya ay ginanap 8:00 ng umaga ngayong Lunes.
Very strict health protocols” ang ipinatupad sa flag raising ceremony gaya ng pagsusuot ng face mask at shiled at physical distancing sa lahat ng mga dumalo.
Bukod sa mga incumbent justices, ang mga dumalo lamang ng pisikal sa seremonya ay ang Chiefs of Offices, Office of the Chief Justice, at mga opisyal ng Supreme Court Association of Lawyer Employees at Supreme Court Employees Association.
Naka-live stream sa website ng Supreme Court at Youtube channel ng SCPIO ang programa.
Hinihimok din ang mga Appellate Court Justices, Trial Court Judges, at ang lahat ng kawani ng Hudikatura na sumama sa flag ceremony virtually.
Samantala, mananatiling 50% lamang ng mga kawani sa lahat ng tanggapan sa SC ang papasok ng pisikal.
Hindi bababa sa 33 empleyado ng Korte Suprema ang active COVID cases.
Moira Encina