Huling SONA ni PRRD, all-systems go na at magiging simple lang- Malakanyang
Handang-handa na si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kung susundin ng Pangulo ang kanyang written SONA speech at walang adlib at batay sa isinagawang rehearsal aabutin lamang ng 45 minutes ang talumpati.
Ayon kay Roque hands-on at personal na si Pangulong Duterte ang nag-edit ng kanyang SONA speech.
Inihayag ni Roque bukod sa pagbabalik tanaw sa nakalipas na 5 taong nagawa ng administrasyon, sesentro din ang SONA speech ng Pangulo sa laban ng pamahalaan sa Pandemya ng COVID-19 sa pamamagitan ng mass vaccination program at economic plan para ibangon ang ekonomiya ng bansa.
Taliwas sa mga nakaraang taon na kumuha pa ng mga premyadong director para sa SONA ni Pangulong Duterte ngayon ay pinasimple na lamang.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na si Radio Television Malakanyang o RTVM Director Danny Abad ang magdi-direct ng SONA ng Pangulo.
Ayon kay Andanar siya at si PTV General Manager Kat de Castro ang magsisilbing supervisor naman ng production ng huling SONA ng Pangulo.
Inihayag ni Andanar inirekomenda ni RTVM Assistant Secretary Demic Pabalan si Director Abad na dati ng nagdi-direct sa mga nagdaang SONA ng ilang nakalipas na Presidente ng bansa.
Tinatayang 400 indibidwal na may negative Covid-19 test result ang papayagang dumalo sa Batasang Pambansa para saksihan ang huling SONA ng Pangulo batay sa security preparations na ginawa ng Presidential Security Group.
Niliwanag ni Andanar para makapag-accommodate ng mas malawak na audience na binubuo ng mga cabinet officials at diplomats, maglalagay ang RTVM ng virtual live screening ng SONA ng Pangulo sa loob ng Palasyo ng Malakanyang.
Design inspirations mula Mindanao ang tema ng background ng huling SONA habang inihahayag ang mga legacy ng administrasyong Duterte.
Patutugtugin naman ang mga paboritong awitin ng Pangulo sa pamamagitan ng Philharmonic Orchestra tulad ng “Ang Pagbabago”, “What a Wonderful World”, “Dust in the Wind”, at “Mac Arthur Park” habang ang Pambansang awit ay pangungunahan ni Morissette Amon na inimbitahan ng House of Representatives.
Vic Somintac