Humanitarian access sa mga nakaligtas sa bagyo, pinahinto ng Myanmar junta ayon sa UN
Inihayag ng humanitarian affairs office ng United Nations (UN), na sinuspinde ng Myanmar junta ang travel authorizations para sa aid workers, upang makarating sa daang libong katao sa estado ng Rakhine na sinalanta ng bagyo.
Nagbuhos ng malakas na ulan ang Cyclone Mocha at hanging 195 kilometro bawat oras (120 milya bawat oras) sa Myanmar at kalapit na Bangladesh noong nakaraang buwan, na ikinamatay ng hindi bababa sa 148 katao sa Myanmar.
Sinira ng bagyo ang mga tahanan at nagdala ng storm surge sa estado ng Rakhine, kung saan daan-daang libong Rohingya minority refugee ang naninirahan sa mga displacement camp kasunod ng mga dekada nang ethnic conflict.
Sinabi ng Office for the Coordination of Humanitarian Affairs ng UN, na sinuspinde ng mga awtoridad ng junta ngayong linggo ang “umiiral na mga awtorisasyon sa paglalakbay… para sa humanitarian organizations.”
Ang mga plano para sa pamamahagi ng tulong sa mga bayang naapektuhan ng bagyo na nauna nang inaprubahan ng junta ay binawi rin, dagdag pa nito.
Ang mga paghihigpit ay magiging sanhi upang “mahinto ang mga aktibidad na nakaabot na sa daang libong katao.”
Sa ulat ng local media, ang travel ban ay aplikable sa humanitarian groups na nagtatrabaho sa Rakhine state.
Noong nakaraang buwan, ang UN ay naglunsad ng apela para sa $333 milyong emergency funding para sa 1.6 milyong tao sa Myanmar na sinabi nitong naapektuhan ng bagyo.
Makaraang masawi ang hindi bababa sa 138,000 katao sa Myanmar noong 2008 dahil sa cyclone Nargis, ang junta noon ay inakusahan ng pagharang sa emergency aid at bago ito ay tumanggi rin na magbigay ng access sa humanitarian workers at supplies.
Iniulat ng state-owned media na noong nakaraang buwan, ang mga alok na tulong na nagmula sa international community ay tinanggap.
Sinabi ng Global New Light of Myanmar, “Relief and rehabilitation tasks must be done through existing united strength.”
Ang estado ng Rakhine ay tahanan ng humigit-kumulang 600,000 Rohingya, na itinuturing ng marami doon bilang mga interloper mula sa Bangladesh, at pinagkaitan ng pagkamamamayan at kalayaan sa paggalaw.
Ayon sa junta, karamihan sa 148 kataong namatay sa bagyo ay galing sa minorya.