Hurricane Ian, nanalasa rin sa South Carolina makaraang bayuhin ang Florida
Matapos bayuhin ang Florida, nanalasa naman ang Hurricane Ian sa South Carolina, isa sa pinakamatinding bagyong tumama sa Estados Unidos.
Sinabi ng National Hurricane Center (NHC), na naglandfall si Ian malapit sa Georgetown, South Carolina, bilang isang Category 1 hurricane na may taglay na lakas ng hangin na 85 milya o 140 kilometro bawat oras.
Kalaunan ay ibinba ito sa isang post-tropical cyclone ngunit nagbabala ang NHC sa coastal residents, na namamalagi pa rin ang banta ng mapanganib na storm surge, flash floods at malalakas na hangin.
Tungkol naman sa Florida na sinalanta ni Ian, ay sinabi ni US President Joe Biden, “We’re just beginning to see the scale of the destruction. It’s likely to rank among the worst in the nation’s history.”
Matatandaan na ang Hurricane Ian ay tumama sa southwest coast ng Florida noong Miyerkoles, bilang isang Category 4 storm.
Batay naman sa state at county reporting, hindi bababa sa 42 katao ang iniwang patay ng Hurricane Ian sa Florida ngunit 21 lamang ang banggit ng state officials, at 20 sa mga nasawi ay hindi pa nakukumpirma kung may kinalaman sa bagyo.
Labingpitong migrants din ang nawawala pa rin mula sa lumubog na bangka sa kasagsagan ng bagyo noong Miyerkoles, ayon sa Coast Guard. Isa ang natagpuang patay at siyam na iba pa ang nailigtas kabilang ang apat na Cubans na lumangoy patungo sa pampang sa Florida Keys.
Kaugnay naman ng pinsala na tinatayang aabot ng bilyun-bilyong dolyar ay sinabi ni Biden, “It’s going to take months, years to rebuild. It’s not just a crisis for Florida. This is an American crisis.”
Ayon sa CoreLogic, isang kompanya na ang espesyalisasyon ay property analysis, ang pinsala sa residential at commercial properties sa Florida bunsod ng malakas na hanging dala ng Hurricane Ian ay maaaring umabot ng hanggang $32 billion, habang ang pinsalang dulot ng baha ay maaaring umabot naman ng hanggang $15 billion.
Sinabi ni Tom Larsen ng CoreLogic, “This is the costliest Florida storm since Hurricane Andrew made landfall in 1992.
Sa Florida, higit 1.6 na milyong mga residente ang wala pa ring suplay ng kuryente, habang ang dalawang barrier islands naman, ang Pine Island at Sanibel Island na malapit sa Fort Myers, ay nawalan ng komunikasyon sa ibang lugar makaraang masira ang causeways.
Higit sa 350,000 katao rin ang walang suplay ng kuryente sa North at South South Carolina, ayon sa tracking website na poweroutage.us.
Sinabi ng mga siyentipiko, na ang pagbabago ng klima na dulot ng tao ay nagreresulta sa mas malalang weather events sa buong mundo kabilang na ang Hurricane Ian.
Ayon naman sa US scientists, batay sa mabilis at paunang pagsusuri, ang pagbabago ng klima na dulot ng tao ang nagpatindi sa mga pag-ulang pinakawalan ni Ian nang higit sa 10 porsiyento.
© Agence France-Presse