Hustisya , panawagan ng mga kaanak ng tatlong nasawi sa isang aksidente sa Lucena city
Hustisya ang panawagan ngayon ng mga kaanak ng mag-iinang nasawi matapos masalpok ng isang pampasaherong van ang kanilang sinasakyang tricycle sa Maharlika highway sa Lucena City.
Ayon kay Ryan Paul Dizon, dapat managot ang driver ng van na si Carlos Santiago Grutas Jr., 37 anyos, na nitong nakaraang araw ay pinalaya ng pulisya base sa rekomendasyon ng piskalya.
Batay sa report ng Lucena PNP, nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi, June 11, habang ang tricycle na patungo sa bayan ng Pagbilao ay biglang pumasok sa highway galing sa isang gasolinahan.
Subalit bago nakaposisyon ang tricycle sa kanyang linya ay nabangga ito ng Kia passenger van na minamaneho naman ng suspek na noon ay patungo sa direksyon ng Lucena City proper.
Nasawi ang tatlo sa pasahero ng tricycle na kinilalang sina Shirly Glorioso Dizon, 37 anyos, at ang dalawang dalagang anak nito na sina Pauline Grace, 17, at Shirly Ann, 19 anyos, pawang taga Brgy. Mapagong, Pagbilao, Quezon.
Sugatan din ang padre de pamilya na si Ryan Paul Dizon, 38, at ang bunsong anak na si James Mathew, 7 taong gulang.
Nagtamo rin ng mga sugat ang driver ng tricycle na si Jerald Marinay, 20 anyos, taga Lucena City.
Subalit nabunton ang kaso kay Marinay matapos na matuklasan na wala itong driver’s license at expired din ang registration ng tricycle.
Dahil doon pinalaya ng Lucena PNP ang driver ng van base na rin sa rekomendasyon ng piskalya na siyang ikinagulat ng mga kaanak.
Ayon sa mga kaanak, dapat umanong managot din ang driver ng van dahil ito naman ang sumalpok sa tricycle.
Nakatakdang iapela ng mga kaanak ang kaso sa himpilan ng Lucena PNP at sa korte.
Allan LLaneta