Huwag Mabalewala ang Sakripisyo
Dumarami na ang nasyunalidad ng Covid-19. Pinasok na tayo ng South African, UK, HongKong at Brazilian variants, at meron pang sariling variant tayo sa Pilipinas na ayaw tawaging Philippine variant. Ang mga eksperto ng University of the Philippines, ang OCTA Research, kahit hindi kinumisyon ng IATF ay napakasipag na magbigay ng mga prediksyon na nagkakatotoo naman. Ang isa sa pinakahuli nilang pahayag ay papalo tayo ng limanlibong kaso bago magtapos ang Marso, hindi pa nga natatapos ang buwan, umabot na sa limanlibo ang positive cases.
Ayon naman sa UP Pandemic Response Team, maaari umanong ituring na second wave ang panibagong pagtaas ng mga kaso. Mula sa five thousand cases, may projection pa ang grupo na maaaring umakyat ang mga arawang bagong kaso sa bansa ng pitong libo hanggang pitong libo at limandaan o bumaba ng dalawang libo depende sa magiging response ng taumbayan dahil sa gagawing paghihigpit ipinapatupad na health protocols. Pero, sino ba talaga ang may kasalanan? Sisisihin ba natin ang taumbayan? E, sino ba ang nagpatupad ng pagluluwag? Hindi ba ang economic team? Hindi ba’t sila ang nagrekumenda ng pagluluwag? Noong nagluwag, ang nangyari, tumaas ang kaso. May nagsasabing ang pagtaas ng kaso ay dahil sa aktibong paggalaw ng mga tao sa mga lugar na malaki ang populasyon at dahil din sa mga nagsulputang variants ng Covid-19. Dito lang sa Metro Manila, matagal na nating binabanggit na ‘yung density ng populasyon dito, na iba ang geographical profile ng NCR sa ibang rehiyon ng bansa. Lumalabas na lahat ng sakripisyo natin sa loob ng isang taon ay balewala, kung babalik tayo sa square 1, back to zero. Biruin n’yo eksaktong isang taon ay magpapatupad ulit tayo ng paghihigpit. Samantalang sa ibang bansa, ang pinag-uusapan na nila, ‘yung tungkol sa ekonomiya nila. Sa totoo lang, pagod na pagod na ang mga tao sa lockdown. Sino ba ang hindi? Kaya ang sabi nga ng UP Pandemic Response Team ay kailangan ng magkaroon ng tamang strategy ang gobyerno para makontrol ang pagkalat ng virus. At kailangan din naman dito ang pakikipagkaisa, ang self-discipline ng bawat isang mamamayan.