Huwag maliitin si Russian President Vladimir Putin!
Mga ka- Isyu , kumusta na kayong lahat?
Batid natin na ang ating ekonomiya ay nakasalalay sa presyuhan ng produktong petrolyo sa world market.
Alam po ba ninyo na malaki ang kaugnayan ng nagaganap na sigalot sa Rusya at Ukraine?
Ang Rusya ay ang number 2 na oil producer sa boong mundo.
Maliban sa mga bansa sa Middle East na miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries o OPEC, na mga bansang Arabo.
Sa usapin ng petroleum products, hindi maiaalis ang interes ng mayayamang bansa sa pangunguna ng Estados Unidos, Rusya at iba pang bansa sa Europa.
Sila ang kumokontrol sa presyuhan ng produktong petrolyo sa world market.
Matatandaan na ang ating ikinabubuhay ay oil based, tapos, walang tigil pa ang pagtaas ng presyo nito.
At asahan na natin na lalo pang tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa mga darating na araw.
Sabagay, nakailang beses na ba ang pagtaas sa presyo ng petroleum products, nakasiyam na!
Hindi pa ‘yan resulta ng giyera ng Rusya at Ukraine.
Noong Linggo ay nakapanayam namin ni Don Orosco sa programang East West Connection si U.P. Professor Clarita Carlos, isang eksperto sa foreign policy.
Ang sabi n’ya, ang nakikita n’ya sa nangyayari sa Ukraine at Russia, malaki ang papel na ginagampanan ng Amerika at European countries.
Bakit ba nagalit si Russian President Vladimir Putin sa Ukraine? Dahil sa pakikialam ng U.S. at European countries.
Inimpluwensiyahan nila ang gobyerno at politika ng Ukraine.
Ang dating nakaupong President ng Ukraine ay hindi nila naging kakampi at hindi nagpa-impluwensiya kaya ibinagsak o napaalis sa sinasabi nilang demokratikong paraan.
Maaaring hindi gumamit ng puwersang militar, pero, panghihimasukan naman ang panloob na patakaran lalo na sa politika.
Itong Presidente ng Ukraine ngayon na si Volodymyr Zelenskyy ay matindi ang himutok, bakit ko nasabi iyon?
E papaano naman, hinahanap niya ang mga nangakong tutulong sa kanila.
“Nasaan na kayo? Yung mga nangako sa akin, yung mga bansa sa Europa? Bakit iniwan ninyo kaming nag-iisa sa pakikipaglaban? ”
Kulang na lang na sabihin na “hindi ba’t kayo ang nagsulsol sa amin kaya nasadlak sa ganitong sitwasyon ang Ukraine?
Mapapansin na dumistansya ang Amerika, ang banggit nila, “ dedepensa kami kapag inatake na ang NATO o North Atlantic Treaty Organization, “
Isang samahan ng mga bansa sa Europa.
Subalit ang sabi ni Russian President Vladimir Putin ay hindi dapat na makialam dito dahil matitikman ninyo ang bagsik ng Ruso.
Mga ka -Isyu, huwag maliitin si Vladimir Putin, kumakasa siya!
Sabagay, kahit naman ang giyera sa Afghanistan may kaugnayan din ang Amerika?
Sila ang nagpasimula, naglagay ng pwersa na kalaunan, bumagsak sa kamay ng Taliban ang Afghanistan.
Nakita n’yo ba ang kahabag habag na naging kalagayan ng Afghans?
Pinasimulan ng Amerika at iniwan na lang. Ano rin ang nangyari sa Iran, sa Iraq, sa Libya?
Ang mga lider nila ay ipininta na ‘evil’.
At ito rin ang ginagawa ngayon ng U.S. kay Putin, ipinipintang masamang Presidente.
Dapat ay maging mulat tayo mga ka-Isyu kaya nga tinatalakay natin ito.
Sana lang hindi mangyari sa Pilipinas, lalo pa nga at hindi maikakaila ang interes ng Amerika sa Pilipinas.