Huwag na Tayong Magsisihan
Kahapon, Lunes ang unang araw ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila plus 4, Iyan ang Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal. Bago nagdesisyon si Pangulong Duterte ng ECQ ay isang linggo na rin tayong nasa pinahigpit na GCQ sa NCR. Sa ECQ, nilalayon pa ring lalong mapababa o makontrol ang pagkalat ng Covid-19 sa loob ng isang linggo. Umaasaa ang Inter Agency Task Force o IATF na bumaba at least 25 percent ang kaso. Problema kasi mga kaisyu, pumapalo na sa mahigit siyam na libo halos sampung libo na ang araw-araw na naitatalang kaso. Halos puno na rin ang bed capacity ng mga ospital para sa covid patients.
May mga nagtatanong, sino daw ba ang nagkulang, ang gobyerno ba o ang taumbayan? Kung titingnan natin ang mga pangyayari, pagkalipas ng isang taon ay lumala pa ang sitwasyon natin. Pero, huwag na tayong magsisihan, dahil pare-pareho tayong may pagkukulang.
May mga panuntunan na nais na ipatupad ng gobyerno subalit ayaw sumunod ng ibang kababayan natin. Bakit nga ba ayaw sumunod at umuubra ang hindi pagsunod? Dahil kulang sa ngipin ang pagpapatupad.
Samantala, ang pagpapatupad ng ECQ ay naglalayong mapababa ang daily average Covid infection by 25 percent. Makukuha Ito kung makikipagtulungan ang taumbayan.
Under ECQ, mahigpit ang monitoring na gagawin katuwang ang LGUs, gagawin ang pagbabahay bahay para I-check ang kaso ng infection sa bawat kalye, sa bawat tahanan, sa bawat barangay.
Nasa 1,106 checkpoints na nakabantay ay mga tauhan ng PNP na nasa mahigit siyam na libo. Nasa mga entry at exit points ng Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite.
Sabi ng PNP magiging flexible naman sila sa pagpapatupad ng regulasyon at maximum tolerance para maiwasan ang gulo. Magpapaalala din sila sa mga motorist ukol sa standard protocol, mag-iisyu ng tiket, dadalhin sa gym at bibigyan ng lecture ang mga lalabag, o matitigas ang ulo. Gaya ng ipinaalam na sa atin, tanging authorized person outside of residence o APOR, o essential workers lamang ang palulusutin sa mga checkpoint hanggang sa matapos ang ECQ sa April 4.
Kaya nga ang pakiusap natin, huwag na pong magpumilit kung hindi kabilang sa mga taong pwedeng lumusot sa mga checkpoint. Samantala, ipinatutupad na rin ang curfew hour, 6 pm- 5 am, pero tinawag itong compassionate curfew hour. Mabibigyan ng kunsiderasyon ang mga papauwing individual sa mga mga bahay subalit may window period mula 7:30-8:00 pm lamang, at pag lagpas ay maghihigpit na ang mga tauhan ng PNP. Kailangan itong ipatupad para mapigilan ang pagkukumpulan ng mga tao na pinagmumulan ng transmission o hawahan. Sana ay maging bukas ang ating kaisipan, dagdagan ang ating mga kaalaman, magtulong tulong tayo, huwag na tayong magsisihan pa, at huwag tayong magpasaway!