Hybrid road train ng DOST, patatakbuhin na sa Ilagan City
Pinasalamatan ng Dept. of Science and Technology (DOST) sa pangunguna ni Sec. Fortunato Dela Peña, ang pamahalaang lokal ng Ilagan sa Isabela, dahil sa paghahangad na maisakatuparan sa lungsod ang proyektong HERT o Hybrid Electric Road Train ng DOST, at pagsuporta sa programang ODESSEE o Optimization of Decision Support System for Effective E-Governance.
Ito ay sa ginanap na virtual kick off at signing ng memorandum of agreement o MOA sa lungsod.
Paliwanag ni Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, magbibigay ng karagdagang tulong sa mass transportation sa lungsod ang HERT, at magbibigay din ng oportunidad sa local manufacturers, dahil sa Ilagan ito gagawin.
Ang sistema ng proyekto ay ituturo ng DOST sa LGU, habang ang lokal na pamahalaan ang magpopondo at ang mga lokal na manggagawa ang bubuo sa HERT.
Samantala, malaki naman ang maitutulong ng programang ODESSEE sa usapin ng kalamidad sa lungsod, ayon kay Office of the Civil Defense Regional Director Harold Cabreros.
Paliwanag ni Cabreros, pilot area ng programa ang Ilagan at napili ito
dahil nakakalap na ng data sa bawat lugar mula sa Health Guard, na una nang ipinatupad sa lungsod bilang bahagi ng contact tracing, sa usapin ng COVID-19.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan, na higit na makapagbibigay ng karagdagang serbisyo ang nasabing proyekto, sa patuloy pang pag-unlad at sa kaligtasan ng mga residente nito.
Malaki ang mapakikinabang sa proyektong ODESSE laluna sa mga residenteng apektado ng kalamidad, dahil matutugunan ng husto ang pangangailangan ng mga ito, batay na rin sa nakalap na datos mula sa nasabing programa.
Erwin Temperante