Hypoglycemia, Alamin !
Masayang araw sa lahat!
Mga kapitbahay , marahil ay narinig n’yo na ang salitang hypoglycemia lalo pa nga kung may mahal kayo sa buhay, o kakilala o kapitbahay na may diabetes.
Sa ating programang Kapitbahay sa Radyo Agila ay naragdagan ang ating kaalaman tungkol sa hypoglycemia o low blood sugar.
Ipinaliwanag ni Dr. Irma Pilar, isang Internist ang ukol dito.
Ang sabi niya, ang hypoglycemia ay isang kundsiyon kung saan bumababa ang dami ng asukal sa dugo.
Naririnig ito sa mga pasyenteng diabetic na umiinom ng mga gamot para bumaba ang blood sugar level.
Malalaman mo na mababa ang blood sugar level kapag nakuha sa glucometer ang mas mababa sa 70 mg/dl.
Ano ba ang sanhi ng pagbagsak ng blood sugar ng isang tao?
Una, kapag ang pasyente ay diabetic at kung sobra-sobra ang insulin o ‘yung mga gamot na iniinom na pampababa ng asukal.
Pangalawa, kapag kakaunti ang kinakain ng pasyente .
Sabi ni Dok Irma, kapag nagreseta ang doktor ang assumption ay kumakain o kakain ng almusal, tanghalian at hapunan ang pasyente.
Kapag ang pasyente ay hindi nakakain ng almusal at uminom ng gamot na pang diabetes , natural babagsak ang asukal sa dugo o magkakaron ng hypoglycemia.
Ang isa pa ay kapag sobra ang pisikal na aktibidad.
Ibig sabihin, kapag ang isang diabetic ay mag-e-exercise, kailangan niyang kumain dahil ang exercise mismo ay nakapagpapababa ng asukal sa dugo.
After exercise ay nakararamdam talaga ng pagkagutom, lalo na sa mga type 1 diabetic patient na kailangan ma-check ang ang asukal sa dugo bago at pagkatapos ng exercise.
Isa pang dahilan ng pagbagsak ng blood sugar ay pag-inom ng alak, o may sakit sa atay o liver cirrhosis, o kung may bukol sa lapay, o pancreas., o tumor kaya.
Ano ang sintomas na bumababa ang sugar sa dugo? Nahihilo, sumasakit ang ulo, pinagpapawisan ng malamig, mabilis na pagtibok ng puso , nanlalabo ang paningin , irritable at pakiramdam na nagugutom.
Sana mga kapitbahay nakatulong ang mga impormasyong ito lalo pa nga at may diabetes ka o isa sa iyong mahal sa buhay.