IATF , inatasan ni Pangulong Duterte na repasuhin ang desisyong bawasan ang distansiya ng mga commuter sa mga pampublikong sasakyan
Pinapaaral mabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Inter Agency Task Force o IATF na bawasan ang distansiya ng mga commuters na sumasakay sa mga pampasaherong sasakyan.
Itoy matapos makarating kay Pangulong Duterte ang pagtutol ng Health Professionals Alliance Against Covid 19 na binubuo ng 148 Medical Professionals Societies sa buong bansa.
Sinabi ng Pangulo na talakaying mabuti ang pros and cons ng pagbabawas ng distansiya sa mga pampublikong transportasyon.
Batay sa ginawang pag-aaral ng Health Professionals Alliance Against Covid 19 lalong lalala ang kaso ng Covid 19 sa bansa maging ang bilang ng mga mamamatay ay tataas din kung ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng pagbabawas ng distansiya sa mga pampublikong sasakyan.
Sa talk to the nation ni Pangulong Duterte lumalabas na hati ang posisyon ng mga cabinet officials na miyembro ng IATF.
Pabor sa pagbabawas ng distansiya sa mga pampublikong sasakyan sina Transportation Secretary Arthur Tugade at National Task Force Against Covid 19 Chief Implementer Carlito Galvez.
Tutol naman sa pagbabawas ng distansiya sa mga pampublikong sasakyan sina IATF Vice Chairman DILG Secretary Eduardo Año at Department of Health Secretary Francisco Duque III.
Layunin ng pagbabawas sa distansiya sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon ay para madagdagan ang bilang ng mga pasahero.
Vic Somintac